PNP at NBI bubuo ng kasunduan para sa pagsasagawa ng joint investigation sa mga “nanlaban” cases
Nagkasundo ang NBI at PNP na bumuo ng mekanismo para sa pagsasagawa ng joint investigation sa mga kaso ng mga ‘nanlaban’ na drug suspects sa hinaharap.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, tutulungan ng DOJ ang NBI at PNP sa pagbuo ng draft ng memorandum of agreement.
Kakatulungin din aniya ng PNP at NBI ang Commission on Human Rights (CHR) kung kinakailangan partikular sa pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga biktima at mga testigo nito.
Una nang pinulong ng DOJ ang NBI ukol sa case build-up sa 52 case files ng PNP kaugnay sa drug war deaths.
Sinabi ni Guevarra na tinanggap ng NBI ang responsibilidad.
Ang mga nasabing kaso ay kinasasangkutan ng 154 pulis sa anti-illegal drug operations kung saan may namatay na mga suspek.
Inihayag pa ni Guevarra na kabilang sa 52 kaso na iimbestigahan ng NBI ay ang ukol sa pagkamatay ng Spanish drug suspect na si Diego Lapuente noong 2020 sa Siargao Islands.
Kinumpirma ng kalihim na dalawang beses na nakipagkita sa kanya ang Spanish ambassador kaugnay sa kaso na napabalita sa Espanya.
Kaya inatasan ni Guevarra ang NBI na paigtingin ang imbestigasyon na nagresulta sa pagsasampa ng reklamo sa mga suspek na pulis.
Moira Encina