PNP bumuo ng Task force na mag-iimbestiga sa pagpatay kay Mayor Halili
Bumuo na ang Philippine National Police ng Task Force na mag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Chief Superintendent Edward Carranza, hepe ng Calabarzon Police, kukunin nila ang lahat ng CCTV footage ng mga establishment na malapit sa cityhall.
Para kay Carranza, propesyunal ang bumaril sa alkalde dahil nagmula ang gunman sa masukal na bahagi ng munisipyo ng Tanauan.
Pinakilos na rin aniya ang operation iron curtain o dragnet operation para tugisin ang gunman.
Kasama aniya sa kanilang iimbestigahan ang mga may-ari ng mga negosyo doon para malaman kung ano ang posisyon ng gunman.
Inaantay din nila na marekober ang basyo ng bala upang matukoy kung anong klase ng baril ang ginamit sa pamamaril at maging ang medical record para matukoy kung ilang tama ng baril ang natamo ng alkalde.
“Nakita na po natin yung pinagbabaan at kung saan sumisilip yung gunman, malayo po sya sa tao aroung 150 meters away, so with that hindi nakilala ang bumaril. Ang gunman ay mataas ang puwesto kumpara sa pinagtatayuan ng alkalde, so nasa high ground ang gunman, at wala naman gwardya sa masukal na bahagi ng lugar. So talagang easy target po”.
Ayon pa kay Carranza, hindi pa sila nagkakausap ni Mayor Halili simula nang dumating siya sa Batangas noong June 1 at wala rin siyang natatanggap na ulat na may mga banta sa buhay ng alkalde.
Si Halili ay naging kontrobersyal sa Batangas dahil sa kaniyang shame campaign laban sa mga hinihinalang drug suspek.
================