PNP Chief Eleazar, hinamon ang NPA na isuko ang mga responsable sa Masbate land mine blast kung tunay ang paghingi ng public apology
Matapos akuin ang responsibilidad sa pagpapasabog sa landmine sa Masbate, hinamon ni Philippine National Police Chief, Police General Guillermo Eleazar ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na tigilan na ang paghahasik ng kaguluhan at mga pag-atake dahil marami nang sibilyan ang nadadamay.
Maliban dito, hinamon din nito ang Communist Terrorist group na isuko na ang mga responsable sa pagpapasabog kung tunay ang paghingi ng mga ito ng paumanhin.
Matatandaang nagdeklara ng pakikidalamhati ang CPP-NPA dahil sa mga sibilyang nadamay sa nasabing pagsabog.
Kabilang sa mga namatay sa pagsabog ay ang magpinsang sina Kieth at Nolven Absalon at sugatan din ang 16-anyos na anak ni Nolven.
PNP Gen. Eleazar:
“Hustisya ang hinihiling ng pamilya ng mga biktima at hindi lang public apology. Kung talagang seryoso ang CPP-NPA sa kanilang panlulumo, isuko nila sa amin ang mga nagplano’t gumawa ng pag-atake na ito. Sa mga NPA, wakasan ninyo na ang paghahasik ng karahasan na pawang mga inosenteng sibilyan lang ang higit na apektado. Sobrang daming inosenteng buhay na ang nasayang at nawala dahil sa inyong walang saysay na armadong pakikipaglaban”.
Patuloy ang pursuit operation ng mga otoridad upang maaresto ang mga rebeldeng komunistang nasa likod pagpapasabog.
Nabatid na tatlong miyembro din ng NPA ang namatay sa insidente.
Inalerto na rin ni Eleazar ang lahat ng istasyon ng pulisya dahil sa inaasahang pag-atake ng mga rebeldeng komunista sa harap ng kautusan ng CPP ng mas pinaigting na pag-atake umano laban sa pulisya.