PNP Chief Eleazar, nanawagan sa mga pulis na suklian ng tapat na serbisyo ang paglalagay sa kanila sa Vaccination Priority list
Nagpasalamat si PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos muli nitong ipahayag na dapat manatili sa Top priority list ng mababakunahan kontra Covid-19 ang mga pulis kasama ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay Eleazar, hindi kinakalimutan ng Pangulo ang kapakanan at kaligtasan ng mga pulis, maging ang mga sundalo sa gitna ng Pandemya.
Sa pinakahuling datos ng PNP Health service, umabot na sa 62 ang namamatay sa kanilang hanay simula nang mag-umpisa ang Pandemya.
Sinabi pa ni Eleazar na gaano man katapang ang isang pulis ay nangangamba din ito sa bawat pagkatapos ng kanilang duty dahil posible silang makapag-uwi ng virus at makompromiso ang kaligtasan ng kanilang pamilya.
General Guillermo Eleazar:
“Bawat kapulisan ay may kanya-kanyang pamilyang inuuwian pagkatapos ng duty at bawat isa sa kanila, gaano man katapang, ay nangangamba din na makapag-uwi sila ng virus at makompromiso ang kaligtasan ng kanilang pamilya. Ito po ang nakita ng ating Pangulo at nagpapasalamat po kami dahil hindi niya kinakalimutan ang kapakanan at kaligtasan ng mga pulis”.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Eleazar ang buong puwersa ng PNP na suklian ng tapat na serbisyo at patunayan na karapat-dapat silang gawing prayoridad sa pagbabakuna.
“Ating patunayan na nararapat tayong mabakunahan laban sa Covid-19. Ayusin natin ang ating trabaho para maipakita sa ating Pangulo at sa ating mga kababayan na ginagampanan natin ng tapat ang ating mandato bilang frontliners, na hindi sayang ang pagprioritize sa atin sa Covid-19 vaccination rollout“.
Sinabi pa ng PNP Chief na dapat ding patunayan ng mga pulis na sulit ang pagbibigay sa kanila ng mataas na sahod at mga benepisyo upang tugunan at ibigay ang kanilang buong makakaya sa pagbibigay serbisyo at proteksyon sa publiko.