PNP Chief Eleazar, tiniyak ang hustisya sa pagkamatay ng isang PNPA cadet
Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang masinsinang imbestigasyon sa pagkamatay ni Philippine National Police Academy (PNPA), Cadet 3rd Class George Carl Magsayo.
Titingnan sa imbestigayson kung nagkaroon ng paglabag sa Anti-Hazing Law.
Batay sa ulat ni PNPA Director Police Major General Rhoderick Armamento, si Magsayo ay inanunsyong dead on arrival sa Qualimed Hospital matapos umanong pagsusuntukin ng upperclassman nito na si Cadet 2nd Class Steven Ceasar Maingat sa kanilang dormitoryo.
Ayon kay Eleazar si Maingat ay nasa kustodiya na ng Silang Municipal Police Station at inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban dito batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.
Bumuo na rin ng Special task Group Magsayo ang PNPA para sa mas malawak pang imbestigasyon.
Giit ni Armamento, nananatiling mahigpit na ipinatutupad sa PNPA ang “No to Hazing Policy” dahil mataas ang pagpapahalaga nila sa buhay at karapatang pantao ng mga kadete.
Binigyang-diin naman ni Eleazar ang kahalagahan ng pagtalima ng mga kadete sa core values ng PNPA.
“Hindi sa sakitan at sa bugbugan nahuhubog ang pagkatao ng isang kadete o kahit ninuman kung hindi sa magagandang aral, matalinong palitan ng ideya at tamang pagpapasunod ng kabutihang asal,” – PGen Eleazar.
Tiniyak din ng PNP Chief sa pamilya ni Magsayo ang masusing imbestigasyon alang-alang sa hustisya at katotohanan.