PNP Chief Oscar Albayalde, bumaba na sa puwesto sa pamamagitan ng Non-Duty status
Binakante na ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde ang kanyang posisyon, isang buwan bago ang kanyang nakatakdang pagreretiro.
Sa kanyang speech sa Flag raising ceremony sa Kampo Krame, inanunsyo ni Albayalde ang kanyang pagbaba sa pwesto sa pamamagitan ng non-duty status.
Ibig sabihin bababa na siya sa puwesto habang hinihintay ang kanyang pormal na retirement sa November 8 at ang turn-over sa October 29.
Dahil dito, otomatikong tatayo bilang officer-in-charge ng PNP si PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Archie Gamboa.
Sa kanyang speech, nagpasalamat si Albayalde sa tiwala na ibinigay sa kanya ni Pangulong Duterte habang hinikayat niya ang mga pulis na ituloy lang ang kanyang serbisyo sa bayan.
Ang pagbaba sa puwesto ni Albayalde ay ginawa sa gitna na rin ng pagdadawit sa kanya sa isyu ng Ninja cops o yung mga pulis na nagrerecycle ng iligal na droga.
Ulat ni Mar Gabriel