PNP Chief Oscar Albayalde, pinagre-resign na ni Senador Richard Gordon
Pinagbibitiw na ni Senador Richard Gordon si PNP Chief Director General Oscar Albayalde matapos mabunyag kahapon ang anomalya ng kaniyang 13 tauhan na kinasuhan sa recycling ng shabu sa Pampanga.
Ayon kay Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, dapat bakantihin ni Albayalde ang pwesto dahil sa pagprotekta sa mga pulis na dawit sa karumal dumal na krimen.
Mali ayon sa Senador ang ginawa ni Albayalde na tinawagan si PDEA Director Aaron Aquino na noon ay Regional Director ng PNP sa Region 3 para harangin ang implementasyon ng dismissal laban sa 13 Ninja cops.
Katunayan sa halip na ma-dismiss prinomote pa ni Albayalde ang mga pulis sa mga sensitibong posisyon sa PNP.
Nakukwestyon aniya ngayon ang integridad ni Albayalde kaya hindi malayong madamay ang buong PNP.
Tiwala si Gordon sa integridad at mga ibinunyag ni dating CIDG Director Benjamin Magalong dahil wala itong intensyong ilahad ang mga impormasyon.
Ulat ni Meanne Corvera