PNP, ibinunyag ang pagrerecruit umano ng isang propesor para sumama sa mga kilos protesta laban sa gobyerno
Ibinunyag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na ilang professor umano ng isang State University ang nagre- recruit sa mga estudyante para sumama sa mga kilos protesta laban sa gobyerno.
Kasunod ito ng reklamo ng ilang mga magulang hinggil sa pagkawala ng kanilang mga anak matapos umanong ma-recruit ng ilang makakaliwang grupo.
Sa pagdinig sa Senado, bagamat hindi pinangalanan. inoobliga aniya ng isang professor ang mga estudyante nito na sumama sa mga pagkilos.
Isa sa tinukoy ni Albayalde ang kilos protesta noon laban sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani sa Taguig.
Nakausap niya aniya ang ilan sa mga estudyante at kinumpirmang ang paglahok sa rally ay utos ng kanilang propesor.
Nababahala ang opisyal dahil sa loob pa mismo ng eskwelahan nagaganap ang panghihikayat lalo na sa mga State Colleges and Universities na pinopondohan mula sa buwis ng taumbayan.
“They were required by the teachers to join the rally. So ang recruitment hindi lang ito ginagawa sa labas. Ito ang totoong nangyayari. Pagpasok na pagpasok pa lang ng mga estudyante sa eskuwelahan na yan, in less than 2 weeks time, meron na silang lecture on how to conduct rallies. Can you imagine yan na agad ituturo sa mga mga first year college”?
Ulat ni Meannne Corvera