PNP, inalerto laban sa mga malalaking pagdiriwang ngayong Mayo
Inatasan ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang buong puwersa ng pulisya na mahigpit na bantayan ang kani-kanilang Area of Responsibility para maiwasan ang mga piyesta o malalakihang pagdiriwang.
Direktang inatasan ni Guillermo ang mga Police Commander para ipatupad ang nasabing direktiba.
Ayon sa PNP Chief, napakahalaga ng papel ng mga pulis para mapigilan ang mass gathering o sa mga posibleng super-spreader events.
Mahigpit ding makikipag-ugnayan ang mgapulis sa mga Lokal na Pamahalaan partikular sa mga Barangay upang matiyak na nasusunod ang direktiba.
“Madali po ang hawahan tuwing may mga kainan, prusisyon, o kahit anong selebrasyon. Ito ang mga tinatawag nating mga ‘super spreader events.’ Huwag naman po nating ipagpalit ang ating kaligtasan at kalusugan sa mga ito.Matagal nang bawal ang mass gatherings at alam na alam na natin ang mga paraan para makaiwas mahawaan ng Covid-19. This time, they should already know our minimum health standards“.
Gayunman, muling ibinilin ni Eleazar sa mga pulis na huwag sasaktan o parurusahan ang sinumang lalabag sa mga Health protocol at bigyan sila ng face mask kung kinakailangan.
Maliban sa mass gathering, mahigpit ding ipatutupad ng PNP ang curfew hours sa iba’t-ibang lokalidad.