PNP, kinastigo ng mga Senador sa maling patakaran sa mga APOR
Ipinarerepaso ng mga Senador ang patakaran ng Philippine National Police at Inter-Agency Task Force na limitahan ang paggamit ng mga pribadong sasakyan at huwag payagang bumiyahe ang mga driver na hindi kasama sa mga Authorized Person Outside Residence (APOR)
Sinabi ni Senador Aquilino Pimentel, magdudulot ito ng malaking problema lalu na sa mga medical frontliner na magpapahatid sa kanilang kasama sa bahay o kanilang mga driver.
Mapipilitan aniya ang mga ito na sumakay sa mga pampublikong sasakyan pauwi sa kanilang mga tahanan.
“IATF and PNP need to review this rule. There are some doctors who render “duty” for four consecutive days and need to be driven to and from workplace. Why make life more difficult for our frontliners”? – Sen. Pimentel
HInimok naman ni Senador Panfilo Lacson ang PNP at IATF na maghanap ng win-win solution at huwag pabigla-bigla sa mga restriction.
Hindi aniya ito praktikal sa mga APOR na maaaring maapektuhan ng paghihigpit.
“Huwag naman sanang pabigla-bigla ang restrictions, to a point of being impractical if not illogical. Instead, they may want to exert a little extra effort to find a possible win-win solution. Baka may paraan to satisfy both health concerns and a little convenience for our APORs who need to work to feed their families, or render indispensable service to others, like health workers and other frontliners” – Sen. Lacson
Sinabi naman ni Senador Imee Marcos na dapat muna itong linawin ng PNP sa pangambang magdulot ng problema sa mga checkpoint.
Tiyak kasing tatamaan ng maling pakataran na ito ang mga Medical frontliner.
“Heller, Gen. Eleazar. Nakakaloka ata, chief- papaano ang mga APORs na hindi afford bumili ng kotse? At totoo namang APOR, healthworkers & frontliners- ano namang sasakyan nila? Sasakay ba sila sa bus, LRT, MRT na mas maraming pasahero? Tiyak gulo ito sa checkpoints kaya dapat liwanagin ni Chief Eleazar itong statement, please”?– Sen. Marcos
Samantala, sa isang panayam ngayong umaga, nilinaw ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na pinapayagan nang maghatid sundo ang mga hindi APOR sa mga APOR.
Kailangan lamang ay iprisinta nila ang certification ng kanilang APOR employer na may pangalan, plate number, at contact number.
Meanne Corvera