PNP Maritime Group, nagsagawa ng search, rescue at relief ops sa Cagayan
Humupa na nang bahagya at medyo gumanda na ang sitwasyon kumpara sa naunang araw ng pag hagupit ng bagyong ulysses at pagpapakawala ng tubig sa magat dam na nagpalubog sa halos karamihan ng barangay partikular sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na full search and retrieval operations, agad na nagpadala ang PNP Maritime Group ng tropa na kinabibilangan ng 3rd Special Operations Unit sa ilalim ni P/Lt.Col. Rizaldy Caballero sa atas ni P/Col. Jayson Cipriano, Chief of Regional Maritime Unit II sa nasabing bayan.
Tumungo sa lugar ang 3rd Special Operations Unit ng PNP Maritime mula Metro Manila sakay ng dalawang 6 x 6 truck para tumugon sa mga kababayang biktima ng paghagupit ng bagyong ‘Ulysses’.
Sa ngayon, may mangilan-ngilan pa ring lugar ang lubog sa tubig baha dahil sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam. Sinamantala naman ng PNP Maritime Group ang relief operations at pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan ng mga residente tulad ng bigas, canned goods at maiinom na tubig.
Samantala, Tiniyak naman ng Malacañang na patuloy ang kanilang monitoring sa relief operations ng PNP Maritime Group at iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno sa Region II partikular sa Cagayan at Isabela dulot ng matinding pagbaha.
Jaime Malayo