PNP Maritime Group, nagsagawa ng urgent search and rescue operations sa dalawang motorbanca na tumaob sa Aklan
Nagsagawa ng urgent search and rescue operation ang PNP Maritime Group, sa mga tumaob na motor banca sa Aklan nitong Martes.
Mabilis na rumesponde ang Aklan Maritime Police Station (MARPSTA), kasama ang 2 MDRRMO Malay personnel sa isang distress call mula sa dalawang motor banca.
Ang MBCA Urimy at isang walang markang sasakyang pandagat, ay tumaob sa pagitan ng Boracay Island at Caluya, Antique.
Courtesy : PNP Maritime Group
Lumitaw sa pagsisiyasat na ang MBCA Urimy ay umalis mula sa Sitio Angol, Brgy. Manoc-Manoc, Boracay Island bandang alas-4:00 ng umaga, lulan ang 13 pasahero patungong Caluya, Antique.
Ang isa namang walang markang motor banca, ay may lulang 6 na pasahero.
Nabatid ng mga awtoridad, na ang 2 sasakyang pandagat ay umalis nang walang maayos na koordinasyon at pahintulot, mula sa base ng Philippine Coast Guard sa Boracay Island, Malay, Aklan.
Bandang alas-7:00 nang umaga nang pataubin ng malakas na hangin at malalaking alon ang dalawang motor banca.
Agad na nakarating sa dalampasigan ng Ocean Edge Resort na nasa Sitio Inihawan, Barangay Lanas, San Jose, Romblon sina Jonald at Gary Patricio na siyang nag-ulat ng insidente.
Courtesy : PNP Maritime Group
Pagdating ng ala-1:00 ng hapon ay matagumpay nang nailigtas ng mga awtoridad si Arnel Belleca, na nasa karagatan sa pagitan ng San Jose, Romblon, at Ferrol, Mindoro.
Samantala, 7 karagdagang pasahero pa ang nasagip ng MDRRMO-San Jose at Philippine Coast Guard.
Gayunpaman, ilang mga pasahero ang hindi pa natatagpuan, na lahat ay pawang mga residente sa naturang lugar.
Ang mga ito ay kinabibilangan nina:
1. Christopher Gajero
2. Marlon Belleca
3. Vic Florendo
4. Roel Delloro
5. Joseph Delloro
6. Macmac Delloro
7. Frankie Gajero
8. Sauro Delloro
9. Zaldy Pases at
10. Christian Aguilar
Patuloy naman ang pagsisikap ng mga awtoridad na mahanap ang mga nawawalang indibidwal.
Aldrin Puno