PNP may hatol na sa kaso ni PSupt. Maria Cristina Nobleza
May hatol na ang PNP Internal Affairs Service sa kaso ni PSupt. Maria Cristina Nobleza pero kailangan pa itong aprubahan ni PNP Chief PDGen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo batay sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na ang aksiyon ng opisyal na magtungo sa Bohol kasama ang boyfriend na ASG member na si Reenor Lou Dungon ay improper o mali.
Sinabi pa ni Triambulo na tapos na sila sa kanilang report kaugnay sa kaso ni Nobleza, dalawang linggo na ang nakakalipas at hinihintay na lamang nila na pirmahan ng PNP chief ang rekomendasyon.
Giit ni Triambulo iniwan ni Nobleza ang kaniyang pwesto para pumunta sa Bohol kasama ang kaniyang boyfriend na ASG member at bomb expert.
Kasalukuyang nakakulong sa Kampo Crame sina Nobleza at Dongon.
Tumanggi namang ibahagi ni Triambulo kung ano ang kanilang rekomendasyon sa kaso ni Nobleza.
Pero batay sa NAPOLCOM memorandum circular sinumang mapapatunayang guilty sa conduct unbecoming of an officer ay matatanggal sa serbisyo.
Pagtiyak naman ni Triambulo siya mismo ang nagsubmit ng report kay PNP chief.
Si Nobleza ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at harboring criminals.