PNP, may paglilinaw sa ipinatutupad na NCR plus Bubble areas
Sa pamamagitan ng puwersa ng PNP, sinimulan nang ipatupad ngayong araw, March 22 ang mas mahigpit na panuntunan sa mga lugar na ibinilang sa NCR plus bubble.
Batay sa Inter Agency Task Force (IATF) Resolution No. 104 na pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal pati ang National Capital Region (NCR) ay isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) at ibinilang sa Bubble areas na may karagdagang restrictions.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. General Ildebrandi Usana, malaya ang mga nasa loob ng bubble area na mamasyal o magtungo sa loob ng NCR plus areas kasama na ang mga nais magbakasyon.
Para naman sa mga lalabas ng NCR plus ay papayagan lamang ang mga essential workers basta’t magprisinta lamang ng Identification (IDs).
Hindi na rin anya hihingan ng iba pang dokumento gaya ng Travel pass at RT-PCR test.
Papayagan din ang operasyon ng mga Public Transportation sa labas ng NCR plus pero iisa-isahin ng mga otoridad ang mga pasahero kung ano ang layunin ng bawat isa sa pagbiyahe.
PNP Spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana:
“Kung kayo ay nabibilang sa mga essential workers, pwede kayong magkaroon ng malayang movement kasama na rin dito ang ilang mananakay na nais lamang magbakasyon basta’t within the boundaries ng Laguna, Cavite, Rizal at NCR. Pero pag ouside of this NCR plus kung hindi essential worker na walang sadyang mahalagang trabaho sa NCR plus ay hindi papayagang makapasok. Kung kayo naman ay nasa boundary ng NCR plus at gusto nyong lumabas kailangan ay mayroon kayong mahalagang layunin. Pero if hindi essential workers na in and out of Metro Manila and other 4 provinces, wala munang papayagan within 2 weeks”.
Samantala, sinabi pa ni Usana na nakapagtala na sila ng halos nasa 24,000 violators sa ipinatutupad na Unified Curfew.
Dahil dito, nanawagan ang PNP official sa publiko na makipagkaisa at sumunod sa panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan para hindi na kumalat pa ang virus infection.
“Two weeks po ang hinihingi ng ating National Government upang mamintina o kung hindi man ay mabawasan ang Covid-19 cases kaya manatili na lamang sa mga bahay kung wala namang mahalagang pupuntahan at huwag nang magbakasyon. Sumunod na lamang sa mga otoridad”.