PNP naghahanda para bigyang seguridad si Cong. Teves kung uuwi sa bansa
Bagama’t sinabing fake news, naghahanda pa rin ang Philippine National Police (PNP) sa inaasahang pagbabalik sa bansa ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay PBGEN. Red Maranan, PNP Public Information Office (PIO) chief, inalerto na ng Aviation Security Group ang lahat ng kanilang tauhan sa lahat ng paliparan sa bansa para i-monitor ang posibleng pagdating ni Teves.
Sa ngayon ay walang tiyak na detalye sa flight ng mambabatas at saang airport ito lalapag.
Gayunman, nilinaw ng PNP na ang kanilang presensya ay para magbigay lang ng seguridad at hindi para arestuhin si Teves.
Sinabi ni Maranan na walang naka-isyu na warrant of arrest laban sa mambabatas at wala pa ring naisasampang kaso ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa umano’y pagiging mastermind nito sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni Maranan na handa ang PNP na magbigay ng seguridad kay Teves at e-escortan ito saan man gustong pumunta pagdating sa bansa.
Bagama’t sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na may reliable source siyang nagsabi na uuwi sa bansa ngayong araw si Teves, pinasinungalingan naman ito ng mambabatas sa isang radio interview at tinawag na ‘fake news’ ang balita.
Una nang iginiit ng mambabatas na naaantala ang kaniyang pagbalik sa bansa matapos ang kanyang bakasyon sa Estados Unidos dahil na rin sa pangamba sa kanyang kaligtasan.
Pero mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang humikayat sa kanyang umuwi kasabay ng pagtiyak sa kanyang seguridad.
Mar Gabriel