PNP, nagpaalala sa mga delivery rider na sumunod sa safety protocol
Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang mga food delivery rider na mahigpit na sumunod sa mga ipinatutupad na public health safety standard.
Ang pahayag ay ginawa ni Eleazar matapos makatanggap ng mga sumbong at reklamo ang PNP sa hindi umano pagsunod ng mga rider sa safety procotol habang naghihintay sa order ng kanilang mga kliyente.
Partikular sa naging sumbong ay ang hindi wastong pagsusuot ng face mask at ang iba umano ay nakitang naninigarilyo sa mga waiting area.
Statement Gen. Eleazar:
“Sa mga nakalipas na araw, ilang ulit na nakatanggap ang inyong PNP ng mga reklamo at sumbong tungkol sa mga paglabag ng mga delivery riders ng minimum public health safety protocols sa kanilang mga waiting areas sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila”. Dahil dito, inatasan ko na ang ating mga chiefs of police at station commanders na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga LGUs at pati na rin sa mga manager ng business establishments upang mahigpit na maipatupad ang mga protocols laban sa COVID-19“.
Gayunman, pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga police personnel na sitahin na may respeto ang mga makikitang delivery riders na lumalabag sa guidelines.
Batid aniya niya ang sakripisyo ng mga delivery rider ngayong Pandemya pero hindi ito aniya dapat maging dahilan ng hindi pagsunod sa mga alituntunin ng gobyerno ngayong panahon ng ECQ.
Hinikayat din ng PNP Chief ang publiko na magpadala ng video at larawan sa E-Sumbong kung makakasumpong sa mga paglabag para agarang maaksyunan ng PNP.