PNP nagpahayag ng suporta sa Ordinansa ng mga LGU na magpataw ng parusa sa mga tumatanggap ng ikatlong dose ng Covid-19 vaccine
Suportado ng Philippine National Police ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan na sampahan ng kaso ang mga indibidwal na nagpapabakuna ng ikatlong dose ng Covid-19 o nagpapa-booster shot kahit pa fully vaccinated na.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, makatutulong ito upang mapigilan ang mga mga nakakumpleto na ng bakuna na magpabakuna pa uli sa ibang LGU.
Nanawagan din sa publiko si Eleazar na huwag maging gahaman sa bakuna dahil marami pa ang hindi pa nababakunahan dahil na din sa limitado pang suplay.
Maliban dito, wala pa aniyang rekomendasyon ang mga eksperto kung ligtas ba sa kalusugan ang booster shots.
“Sa mga kumpleto na sa bakuna, huwag na nating agawan pa ang mga kababayan natin na kailangan din naman ng proteksyon. Ito ay para na din sa kaligtasan ng lahat dahil hindi tayo sigurado kung may masamang epekto sa katawan ang booster shots lalo na kung iba-ibang brands ang naiturok sa atin”. – Gen. Eleazar
Nauna nang nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos sa mga Metro Mayor na magpalabas ng ordinansa na magpapataw ng parusa sa mga indibidwal na tumatanggap ng ikalong dose ng bakuna gamit ang mga biniling bakuna ng gobyerno.
Kahapon ay sinampahan na ng Quezon City government ng kaso ang dalawang lalaki na tumanggap ng booster shot sa lungsod.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang pagsusuri at pag-aaral ng Department of Science and Technology patungkol sa kaligtasan at efficacy ng kombinasyon ng magkaibang brand ng bakuna kontra Covid-19.