PNP, naka-heightened alert kasunod ng pagkakapatay sa mataas na opisyal ng NPA
Inilagay sa heightened alert ang lahat ng police units sa bansa bilang paghahanda sa posibleng pagganti ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kasunod ng pagkakapatay sa kanilang top-ranking official na si George “Ka Oris” Madlos.
Si Madlos ay commander at spokesman ng National Operations Command ng NPA na napatay sa pakikipag-engkuwentro sa 403rd Infantry Brigade ng Philippine Army kahapon, Oct. 30 sa Sitio Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasugong, Bukidnon.
Wanted si Madlos sa mga kasong kriminal, multiple murder with double frustrated murder, robbery with double homicide at damage to property at sangkot sa pagpatay sa mga sundalo at pulis.
Itinuring ni Eleazar ang pagkakapatay kay Madlos bilang matagumpay na operasyon at malaking dagok naman sa CPP-NPA.
“Kasabay nito, ipinag-utos ko sa ating kapulisan na mas maging alerto sa posibleng retaliatory attacks ng mga rebelde upang ipaghiganti ang pagkamatay ng isa sa kanilang mataas na pinuno. Tinitiyak ko sa publiko na hindi namin ito hahayaan. Patuloy ang pakikipagugnayan namin sa AFP upang siguruhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,”- CPNP Eleazar
Sa kabila nito, nagpapaabot naman ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ni Madlos, magkaiba man aniya ang kanilang pananaw.
Ayon sa PNP Chief, dapat magsilbing babala ito sa natitira pang rebeldeng komunista na ang pag-aalsa at karahasan ay hindi sagot sa mga suliranin sa lipunan.
Hindi aniya titigil ang gobyerno sa operasyon laban sa makakaliwang grupo.
“Nawa’y magsilbing eye opener ito sa ating mga natitirang kababayang rebelde na hindi sagot ang pag-alsa at karahasan sa mga suliranin sa ating lipunan. Ang kailangan ay ang ating pagkakaisa at pagtutulungan bilang isang lahi, at bilang mga Pilipinong nagmamahal sa ating Inang Bayan”.
Hinimok ni Eleazar ang iba pang NPA members na magbalik-loob na sa gobyerno at mamuhay ng tahimik at normal.