PNP, nakapagtala ng bagong namatay dahil sa Covid-19
Nakapagtala ng 2 bagong namatay ang Pambansang Pulisya dahil sa Covid-19.
Sa datos ng PNP Health service ngayong October 7, 2021, pumalo na sa 121 ang death toll dahil sa virus.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, ang 120 pulis na namatay ay isang 31-anyos na Police Corporal na nakatalaga sa Municipal Police Station sa Calabarzon.
Namatay ito noong October 6 sa Philippine General Hospital dahil sa obstructive shock from pulmonary embolism.
Nadiagnose din ang pasyente na may acute myeloid leukemia at nagpositibo sa Covid-19 noong September 24.
Samantala, isang Police Executive Master Sergeant naman na nakatalaga sa Metro Manila ang ika-121 fatality ng PNP.
Namatay siya noong October 5 sa National Kidney Transplant Institute dahil sa COVID -19 critical pneumonia.
Nauna nang nadiagnose ang pasyente na may chronic kidney disease stage 5 with hyperkalemia, hypertension at nagpositibo sa COVID-19 noong September 28.
Bagamat nakapagtatala ng mga bagong fatality ang PNP, sinabi naman ni Eleazar na bumababa ang aktibong kaso sa kanilang hanay.
Mula aniya sa 2,266 active cases noong September 24 ay bumaba sa 1,727 ang aktibong kaso sa nakalipas na 13 araw.
Nakapagtala rin ang PNP ng 38,700 kabuuang recoveries dahil sa bagong 148 mga gumaling.
Nasa 94 bagong kaso naman ang naragdag ngayong araw kaya pumalo na sa 40,548 ang kabuuang Covid-19 cases sa PNP.