PNP, nakapagtala ng 2 bagong pumanaw dahil sa Covid-19
Pumalo na sa 106 ang mga namatay na police personnel dahil sa Covid-19.
Ito’y matapos maragdagan ng 2 ang mga pumanaw.
Batay sa datos ng Philippine National Police Health service, ang isa sa mga pumanaw ay isang 54-anyos na nakatalaga sa Region 5.
Nagpositibo ito sa virus noong August 20 matapos siyang i-admit sa quarantine facility dahil nakitaan ng mga sintomas ng Covid-19.
August 23 inilipat siya sa ospital dahil sa hirap sa paghinga at pagbaba ng oxygen level nito.
August 26 nang pumanaw ang pulis dahil sa acute respiratory failure secondary to Covid-19.
Samantala, ang ikalawang pumanaw ay isang 25-anyos na patrolman na nakatalaga naman sa Region 1.
Itinakbo siya sa ospital noong August 24 dahil sa hirap sa paghinga ngunit namatay din ng kaparehong araw.
Lumabas sa post mortem examination at swab test nito na positibo ang pulis sa Covid-19.
Nabatid na nabakunahan na ito ng unang dose ng Covid-19 vaccine.
Ngayong araw, September 2, 2021, nakapagtala ang PNP ng karagdagang 219 kaso kaya pumalo na sa 34,972 ang kabuuang kaso na may 2,022 active cases.
Habang umakyat naman sa 32,844 ang kabuuang gumaling matapos makapagtala ng karagdagang 219 recoveries.
Samantala, sinabi ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar na mahigit na sa 45 percent ng mga pulis ang fully vaccinated na.
Katumbas ito ng 101,000 police personnel sa buong bansa.
Mayroon pa aniyang mahigit 103,000 ang naghihintay na mabakunahan ng second dose.