PNP nakapagtala ng 2 bagong pumanaw sa Covid-19
Umakyat na sa 91 ang mga pulis na namatay dahil sa Covid-19.
Ito ay matapos makapagtala ang PNP Health service ngayong August 15, 2021 ng dalawang bagong namatay dahil sa virus infection.
Sa report na natanggap ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, isa sa mga pumanaw ay isang 49-anyos na Police Captain na nakatalaga sa Northern Mindanao habang isang 51-anyos na Police Executive Master Sergeant naman ang ikalawang biktima na nakatalaga sa CALABARZON.
Si patient 90 ay nakaranas ng pag-ubo at lagnat noong July 26 at inabisuhan ito mag-isolate at sumailalim sa RT-PCT test at nagpositibo ang resulta.
July 30 inadmit ito sa pagamutan pero patuloy na bumaba ang oxygen level nito hanggang sa mamatay na noong August 6.
August 9 naman nang ma-admit sa pagamutan si patient 91 dahil nakitaan ng mga sintomas ng virus at matapos ang dalawang araw ng pamamalagi sa ospital, namatay ito noong August 11.
Batay sa post mortem examination at swab test na isinagawa sa pulis, positibo ito sa Covid-19.
Nagpaabot na pakikiramay ang buong hanay ng PNP sa pamilya ng mga pumanaw na pulis at tiniyak ni Eleazar ang mga benepisyo at tulong pinansiyal para sa mga naulila nito.
Samantala, 131 bagong mga kaso rin ang naitala ng Pambansang Pulisya ngayong araw kaya pumalo na sa 32,364 ang kabuuang kaso na may 1,959 active cases.
Gayunman, nakapagtala pa rin ng panibagong 85 mga nakarekober sa karamdaman kaya umakyat na sa 30,314 ang kabuuang gumaling sa hanay ng PNP.