PNP, nakapagtala ng higit 149,000 violators sa 2 linggong ECQ sa Metro Manila
Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 149,963 violators sa panahon ng pagpapatupad ng dalawang linggon Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, batay ito sa statistical data mula sa Joint Task Force Covid Shield mula August 6 hanggang 20.
Sa nasabing bilang, may mga pinagmulta, binalaan habang ang iba ay pinag-community service dahil sa paglabag sa health protocol, curfew hours maging ang non-authorized persons outside of residence (non-APOR) violators.
Sabi ni Eleazar, nasa halos 100,000 ang lumabag sa minimum public health standard gaya ng hindi wastong pagsusuot ng face mask at shield, lumabag sa mass gathering, hindi pagsunod sa physical distancing habang ang nasa higit 40,000 ang lumabag sa curfew hours.
Nasa higit 8,000 naman ang natuklasang nagpanggap bilang APOR o essential person pero hindi naman nakapagprisinta ng valid documents.
Pumapalo aniya sa halos 10,000 ang naitatalang violator sa ipinatutupad na quarantine classification.
Ngayong nasa MECQ na ang Metro Manila, sinabi ng PNP Chief na wala pa ring magiging pagbabago dahil mananatili ang mahigpit na pagbabantay sa mga itinalagang control points upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus.