PNP, nanawagan sa publiko na sundin pa rin ang safety protocols habang nasa bakasyon
Hinimok ng Phil. National Police (PNP) ang publiko, na panatilihin ang pagsunod sa umiiral na health at safety protocols habang sila ay nakabakasyon.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, na dapat pa ring sundin ang social distancing laluna sa matataong lugar o pasyalan gaya ng Dolomite beach.
Ayon sa opisyal, nauunawaan niya na marami na ang nagnanais na makalabas ng kanilang tahanan, ngunit kung hindi aniya mag-iingat ay malamang na dumami na namam ang kaso ng COVID-19, at mapilitan na naman ang gobyerno na higpitan ang protocols.
Tiniyak naman ng heneral na babantayan ng pulisya ang publiko, upang masigurong masusunod ng mga ito ang health protocols para maiwasan ang muling pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Eleazar na inatasan na niya ang unit commamders para tiyakin na sapat ang bilang ng mga itatalagang pulis sa mga pampublikong lugar, para masiguro na masusunod ang minimum public health safety, na ipinakiusap din sa kanila ng Department of Health.