PNP nanindigan na walang polisiya sa “quota” system
Naninindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang policy na umiiral ang kapulisan ukol sa quota system.
Sa pagbubunyag ni 1-Rider party-list Representative Bonifacio Bosita, isang dating pulis, ang pag-iral aniya ng “quota” system sa PNP ang posibleng dahilan sa ilang paglabag sa mga police operations kaugnay sa illegal drugs operations.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Brig. Gen. Redrico Maranan na posibleng “target setting” at hindi “quota system” ang ipinai-iral ng mga ground commanders.
“As a matter of policy walang quota system ang paghuli ng PNP, yang quota system nayan siguro ay na-develop na lang sa ground. So baka yung mga ground commanders natin sa kagustuhan nilang magkaroon ng significant accomplishment ay binibigyan nila ng target, kung baga sa management kailangan may output ka… hindi naman yun quota kundi target setting,” paglilinaw ni Gen. Maranan.
Dahil sa pagbubunyag ni Bosita, iniutos ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. ang pagrepaso sa mga pulis na nabigyan ng meritorious promotion.
Sinabi ni Maranan, ngayong 2023 ay wala pang pulis ang nabigyan ng meritorious promotion pero may 63 noong nakaraang taon.
“Sabi naman po ng ating Chief PNP ay titingnan at sisilipin, so, pwede nating silipin, pwede nating tingnan yung mga nakapag-avail ng meritorious promotion nayan,” dagdag pa ni Gen. Maranan.
Paglilinaw ng PNP PIO chief, may dalawang sistemang promotion sahanapngkapulisan – una ay ang regular na promotion base sa educational attainment, training, grades at eligibility; at ikalawa ang special meritorious promotion o pagpapakitang significant at extra ordinary achievement ng isang pulis.
Sabi ni Maranan, kung may alegasyon ng pamemeke sa special meritorious promotion ay maliit na porsyento lamang daw ito at hindi basta-basta maia-avail.
“Yung special meritorious promotion ay hindi po ito basta-basta, mayroon po itong Special Promotions Board na talagang humihimay nung mga pangyayari ano at hindi lamang isang tao ito, ito’y composed ng maraming mga general na iniisa-isa yung dokumentong isina-submit, meron pa nga itong personal interview at ipinatatawag pa yung mga testigo kung totoong nangyari yung extra ordinary accomplishment na yun,” paglilinaw ni Gen. Maranan.
“Yung special meritorious promotion ay napakataas ng parameters nyan… bago mo ma-avail ang special meritorious promotion ang sabi nga ay kalahating buhay mo ay nasa hukay na, kailangan dyan ay explicit display of courage, kailangan dyan yung kabayanihan nakikita, yung outnumber kang kalaban mo at talagang nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay mo bago mo ma-avail yang special meritorious promotion na yan,” pagdidiin pa ni Maranan.
Nilinaw din ng opisyal na lahat ng polisiya at guidelines na ipinaiiral ng PNP ay may pagpapatibay ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Dagdag pa ni Maranan, iginagalang nila ang opinion ng ilang mambabatas at mga dating kasamahan sa usapin na kanilang rerepasuhin, ngunit kailangan din aniya ng maunawaan ang sitwasyon sa field na “very dynamic.”
Weng dela Fuente