PNP pinaigting ang kampanya sa smoking ban sa mga paaralan
Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng smoking ban sa mga pampublikong lugar, partikular na sa mga paaralan.
Kaugnay nito sinuyod ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang paligid ng Batasan Hills National High School para pa-alalahanan ang mga estudyante sa umiiral na smoking ban sa mga pampublikong lugar kasama ang school premises.
Ipinaalala rin ng mga pulis na ipinagbabawal sa mga menor de edad ang paggamit ng vape o e-cigarette
Kasunod ito ng ibinabang direktiba ng national headquarters na paigtingin ang mga patakaran sa paninigarilyo.
“Ang focus nito ay yung ating mga menor de edad, subalit medyo special ang gagawin nating handling sa case na ito sapagkat ang gagawin n gating pambansang pulisya ay sila muna ay sisitahin, pagbabawalan at paa-alalahanan. Katuwang natin diyan ang mga magulang at mga school officials sa pagpapatupad natin nitong mga ordinansang ito,” pahayag ni Police Colonel Red Maranan, ang chief ng PNP Public Information Office (PIO).
Ang mga menor de edad na mahuhuling lalabag, maari daw kumpiskahin ang gamit na vape.
“Basically, kapag minor ay kahit saang area yan ay puwedeng sitahin at ipagbawal yung paggamit ng vape at sigarilyo… kapag hindi minor, doon sa mga hindi designated na smoking and vaping area ay pwede nating ipatupad yung ga umiiral na mga batas,” dagdag pa ni Maranan.
Ininspeksyon din ng mga pulis ang nga tindahan na malapit sa paaralan at pina-alalhanan na bawal silang magbenta ng sigarilyo lalo na sa mga estudyante.
Nakikipag-ugnayan din ang mga pulis sa pamunuan ng paaralan upang pa-alalahanan ang mga estudyante sa masamang epekto ng paninigarilyo.
Sa Batasan Hills National High School, mahigpit daw na ipinatutupad ang mga umiiral na polisiya.
“Ako magdadalawang-taon na ako dito, wala pa kaming case na nagkaroon kami ditto. Kasi consistent naman kami, bago pa pumasok yung klase, in-orient na namin sila. You want to study in this school, you got to follow our policy,” paliwanag ni Dr. Jojo Escolamo, principal sa Batasan National High School.
Bukod sa paninigarilyo mahigpit ding binabantayan ng mga pulis ang paglaganap ng iligal na droga sa mga paaralan.
Mar Gabriel