PNP, pinaghahanda sa pagpapatupad ng bagong sistema ng localized lockdown
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang kaniyang mga tauhan na maging handa at well-informed sa mga bagong alituntunin ng implementasyon ng alert level system para sa Covid-19 quarantine classification sa Metro Manila.
Ayon kay Eleazar, sinabihan na niya ang mga police commander sa National Capital Region na tiyaking fully informed o kabisado ng mga itatalagang pulis sa ground ang mga dapat o hindi dapat payagan sa bawat quarantine alert level.
Aniya, bago ang implementasyon nito sa September 16 ay dapat may pakikipag-ugnayan na ang NCRPO units sa mga lokal na pamahalaan para maayos na maipatupad ang guidelines.
Pabor naman ang PNP Chief sa pagpapatupad ng bagong sistema ng quarantine upang mapigilan ang paglala ng kaso ng Covid-19.
“Kailangan nila ng tulong at reinforcement sa laban na ito at ito naman ang pakay ng mga alituntuning ipinapatupad ng ating pamahalaan upang huwag nang lumala ang pandemyang ito,”– Gen. Eleazar
Sa ilalim ng bagong guidelines, ang Alert Level 4 ang magiging pinakamataas na risk classification kung saan ang dine-in, personal services, at mass gatherings at mahigpit na ipagbabawal.
Limitado rin ang paglabas ng Authorized Persons Outside Residence (APOR) o tanging mga healthcare worker lamang at returning o papaaalis na Overseas Filipino Workers ang papayagang makalabas ng bahay.
Kahit ang mga opisyal ng gobyerno o mga government worker ay hindi rin papayagang lumabas.
Nanawagan naman si Eleazar sa publiko na manatiling nakikipagkaisa at sumusunod sa bagong mga ipatutupad na panuntunan.
“Humihiling tayo sa publiko ng kaunting pang-unawa at pakikisama sa mga panuntunan na ipinatutupad ng pamahalaan dahil na din sa patuloy na banta ng COVID-19. Kailangan itong gawin para pangalagaan ang ating kaligtasan at kalusugan at upang mapigilan ang lalong pagkalat ng coronavirus,” Chief PNP