PNP, pinasalamatan ni Pangulong Duterte sa papel na ginagampanan sa pagpapanatili ng law and order sa panahon ng kanyang administrasyon
Sa nalalabing dalawang buwan na lamang sa puwesto ay ipinaabot na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pasasalamat sa Philippine National Police o PNP.
Ayon sa Pangulo, PNP ang nagsilbing forefront sa paglaban ng kanyang Administrasyon hindi lamang kontra iligal na droga kundi pati na laban sa kriminalidad at terorismo sa nakalipas na mahigit limang taon at ang pagbabantay sa kaayusan at kapayapaan sa pagdaraos ng halalan sa bansa sa Mayo.
Sinabi ng Pangulo bagamat hindi tuluyang nawala ang mga tinaguriang lawless forces maipagmamalaki ang pagbaba ng kriminalidad sa bansa sa pamamagitan ng PNP sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Inihayag ng Pangulo na sulit ang pagdaragdag sa suweldo ng mga pulis para tumaas ang kanilang moral sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Niliwanag ng Pangulo na ibinigay lamang niya ang karampatan pagkilala sa sakripisyo ng mga pulis lalo na sa panahon ng paglaban sa mga elementong kriminal, terorismo, pagtulong sa panahon ng kalamidad at pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac