PNP planong ireklamo ng dayuhang kumpanya na ni-raid sa Las Piñas
Pinag-aaralan ng panig ng dayuhang kumpanya sa Las Piñas City na sinalakay ng NCRPO at PNP Anti- Cybercrime Group noong June 26 na maghain ng reklamo laban sa mga otoridad na nagsagawa ng raid.
Sa panayam sa DOJ, sinabi ng abogado ng Xinchuang Network Technology Inc. na si Atty. Christian Vargas, posibleng reklamong arbitrary detention ang isampa nila laban sa mga tauhan ng Pambansang Pulisya na nagpatupad ng search warrant.
Inihayag ni Vargas na mula noong Lunes ay hindi pinayagan ang mga kawani ng kumpanya na lumabas.
Dapat aniya ay pinalabas ang mga ito dahil hindi sila sinampahan ng kaso kahit lumipas na ang 72 oras.
Isiniwalat pa ng abogado na ang mga Pinoy na empleyado ng kumpanya ay pinalabas kapalit ng salaysay ng mga ito na sila ay sinagip ng mga otoridad.
Itinanggi rin ng abogado na sangkot sa mga iligal na aktibidad ang kumpanya gaya ng human trafficking, love scam at crypto scam.
Iginiit ni Vargas na lehitimo ang operasyon ng kumpanya at may mga dokumento ang mga dayuhang empleyado ng kumpanya
Kaugnay nito, nagsumite ng demand letter ang kumpanya sa NCRPO at Bureau of Immigration na palayain ang mga banyaga at Pilipinong manggagawa ng kumpanya na nasa kustodiya nito dahil wala namang reklamo pa laban sa mga ito.
Moira Encina