PNP rescue teams kasado na sa super typhoon Betty
Aabot sa 22,000 mga pulis at 12,000 sundalo na bihasa sa disaster response ang idineploy sa mga lugar na inaasahang ma-a-apektuhan ng super typhoon Betty.
Pero bago yan, tumutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng mga pre-emptive evacuation sa mga ma-a-apektuhang residente.
Isang araw bago ang pagpasok sa bansa ng super typhoon Betty, nagpadala na ng food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Batanes.
Sa tulong ng Philippine Air Force (PAF) inilipad ang nasa 850 family food packs mula Tuguegarao Airport sakay ng C-130 aircraft.
Isa ang Batanes sa mga probinsya sa Northern Luzon na inaasahang maapektuhan ng bagyo.
Kasabay nito, inalerto na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang search, rescue and retrieval unit sa inaasahang epekto ng bagyo.
Kabilang sa 12,000 idineploy ng AFP ang sundalo, Civilian Armed Forces Group Unit (CAFGU) at reservist na magsisilbing first responder.
Handa rin ang militar na gamitin ang nasa 3,000 land, air at sea assets kung kakailanganin.
Naka-pre-position naman na ang mga kagamitan at mga tauhan ng PNP.
“Naka-antabay ang almost 22,000 PNP personnel doon sa mga posibleng daanan ng bagyong Betty at katunayan po niyan ay nakahanda na rin an gating mga lift capabilities at mga sea assets. Nabilang natin at ito ay mga 2,200 na mga mobility at sea assets nan aka-standby para gamitin sa search, rescue and response,” pagtiyak ni Police Brig. Gen. Red Maranan, ang chief ng PNP Public Information Office (PIO).
Sinabi ng PNP na pawang mga highly trained rescue teams ang idineploy nila sa mga lugar na daraanan ng bagyo.
Nakatutok daw sila sa mga danger zone na posibleng makaranas ng pagbaha, landslide at flash-flood.
Nakikipagugnayan na rin daw ang PNP sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng pre-emptive at force evacuation.
“So ang ating PNP, bilang nakalinya doon sa law and order cluster ng ating response, ay siya yung nangangalaga ng peace and order at sinisigurado na walang nangyayaring looting, walang human rights violation especially yjng ating vulnerable sectors ay na-a-alagaan, yung ating mga kababaihan, kabataan at yung mga senior citizens. Sa evacuation sites, naka-deploy din an gating pambansang pulisya,” dagdag pa ni Gen. Maranan.
Ibinida na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanialng rescue teams at disaster equipment na ide-deploy sa mga maapektuhan ng bagyo sa Metro Manila.
Kabilang dito ang mga rubber boats, life vest at mga rescue vehicles.
NItong Biyernes, May 26, nagsagawa na rin ng full council meeting ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para tiyakin ang koordinasyon ng mga ahensya sa paghahanda at pagresponde sa mga mapipinsala ng bagyo.
Mar Gabriel