PNP umapila sa publiko ng pakikiisa sa ipinatutupad na bagong quarantine measures
Ngayong araw, September 16 ay nagsimula na ang implementasyon ng granular lockdown at alert level system sa Metro Manila.
Kasabay nito, umapila ang Philippine National Police sa publiko na tumulong sa ikapagtatagumpay ng bagong quarantine measures upang maingatan ang sarili laban sa Covid-19 virus.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang pakikiisa sa ipinatutupad na minimum public health safety at iba pang guidelines gaya ng curfew at non-essential travel ay hindi lamang pag-iingat sa sarili laban sa virus kundi pagpapakita na rin ng respeto at pagtulong sa mga health worker at frontliner na patuloy na nakikipaglaban sa Pandemya na mahigit isang taon nang nagpapahirap sa mundo.
Kung matataandaan aniya, mahigit sa 300,000 violators ang naitala ng PNP sa nakalipas na pagpapatupad ng Modified ECQ noong August 21 at mahigit isang milyon pa kung isasama aniya ang mga katabing lalawigan ng Metro Manila.
Naniniwala si Eleazar na mababalewala lamang ang lahat ng sakripisyo ng mga frontliner kung patuloy na lalabag ang mga mamamayan sa mga health protocol.