PNP walang namomonitor na banta sa seguridad na may kaugnayan sa 2022 Elections
Walang natatanggap o namomonitor na seryosong banta sa seguridad ang Philippine National Police kaugnay sa gagawing halalan bukas, May 9.
Gayunman, sinabi ni PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., na hindi sila magpapakampante at mananatiling nakahanda sakaling may mangyaring kaguluhan.
Ayon kay Danao, hindi sila papayag na masabotahe ng sinuman o anumang grupo ang gagawing halalan.
Handang-handa aniya ang buong puwersa ng PNP para tiyakin ang kapayapaan sa national at local elections.
Nauna nang ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nasa higit 41,000 police personnel ang idedeploy sa itatalagang checkpoints sa buong bansa.
Habang nasa kabuuang 16,820 uniformed personnel ang itinalaga para sa election duties.