‘Poblacion Girl’ pinakakasuhan piskalya sa korte dahil sa paglabag sa quarantine protocols
Inirekomenda ng Makati City Prosecutor’s Office na kasuhan sa korte si ‘Poblacion Girl’ Gwyneth Anne Chua dahil sa pagsuway sa mandatory quarantine.
Ito ay makaraang makitaan ng piskalya ng probable cause ang reklamo na inihain ng PNP- CIDG laban kay Chua na isang returning overseas Filipino.
Kasong paglabag sa RA 11332 ang isasampa ng piskalya laban kay Chua.
Nag-ugat ang reklamo sa pagtakas ni Chua sa kanyang quarantine facility sa Berjaya Hotel para dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati noong December 23 ng nakaraang taon.
Inulan ng batikos si Chua sa ginawa nito lalo na’t nagpositibo ito sa COVID-19 noong December 26 at ang ilan sa mga nakasalamuha niya sa pinuntahang party.
Kasama sa pinakakasuhan ng piskalya ang security guard sa Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton dahil sa pagtulong kay Chua na makatakas sa quarantine facility.
Ibinasura naman ng prosekusyon ang reklamo laban sa iba pang kawani ng hotel dahil walang ebidensya na alam nila na umalis si Chua sa pasilidad.
Dismissed din ang reklamo laban sa mga magulang at boyfriend ni Chua dahil sa kawalan ng ebidensya.
Moira Encina