POEA: Pagpapadala ng mga Pinoy Health care worker sa Israel, tuloy
Tuloy ang deployment ng mga Filipino Health care workers sa Israel ngayong buwan sa kabila ng matinding kaguluhan doon.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nasa 400 Pinoy caregivers ang nakatakdang ipadala sa Israel sa ilalim ng Bilateral Labor Agreement.
Pero nilinaw ni POEA Administrator Bernard Olalia na sa ligtas na lugar ipadadala ang ating mga kababayan.
Ayon kay Olalia, nakausap na nila ang mga counterparts sa Israel para sa final step ng pagpapadala sa mga home-based caregivers at wala pa naman silang natatanggap na advisory tungkol sa ban kaya tuloy ang deployment.
Sinabi pa ni Olalia na tuluy-tuloy ang monitoring nila sa kalagayan ng mga kababayan natin sa Israel katunayang nag-isyu sila ng advisory para sa mga Pinoy workers na mahigpit na sundin ang safety protocol na ipinatutupad ng Embahada upang makaiwas sa panganib.
Sakali aniyang makatanggap sila ng anumang ulat na nasa panganib ang mga manggagawang Pinoy doon ay agad silang magsasagawa ng repatriation.
Sinabi pa ni Olalia na nasa 1,000 Pinoy Health care workers ang kailangan ng Israel pero dahil sa Pandemya ay hindi naabot ng bansa ang pagpapabilis ng aplikasyon ng mga interesadong Pinoy.
Magmula aniya ng ibaba nila ang requirement para sa Health care workers sa High-school graduates ay dumami na ang natatanggap nilang aplikasyon.
Kalimitan aniyang inaabot ng hanggang tatlong buwan ang aplikasyon kasama na ang screening at interview at ang sahod kada buwan ng isang HCW ay umaabot ng 1,500 dollars o katumbas ng higit 80,000 piso.