Pol Analyst: Duterte-Duterte tandem sa 2022 hindi iligal, pero may negatibong epekto sa magiging impresyon ng international community
Aminado ang political analyst na si Mon Casiple na hindi iligal kung kumandidato sa presidential at vice presidential elections sa 2022 ang mag-amang Pangulong Rodrigo at Sara Duterte.
Pero babala ni Casiple, maaari itong magbigay ng negatibong impresyon sa international community.
Tiyak aniyang magiging usap- usapan ito sa buong mundo sakaling matuloy ang Duterte-Duterte tandem.
Malinaw aniya na isa na itong pagpapairal ng monarchy na ang kapangyarihan ay kontrolado ng isang pamilya.
Mas katanggap tanggap pa aniya kung si Mayor Sara na lang ang tumakbo pagkatapos ng kanyang ama na si Duterte gaya ng ginawa nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at yumaong Pangulong Noynoy Aquino.
Kumbinsido si Casiple na kakandidato talaga si Mayor Sara sa 2022 at ang pag-iikot nito ay simula na ng kanyang pagpapakilala.
Pero ang pag-iikot na ito ng alkalde sa iba’t ibang lugar ay nababatikos naman ng ilang grupo dahil sa mataas pa ang kaso ng Covid- 19 sa Davao City.
Madelyn Moratillo