Police Captain sa Marilao, Bulacan, ika-52 pulis na pumanaw dahil sa Covid-19 infection
Isang 50-anyos na Police Captain ang pinakahuling casualty ng Philippine National Police sanhi ng Covid-19 infection.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, si Patient no. 52 ay nakatalaga sa Marilao Municipal Police Station, Bulacan Police Provincial Office.
Batay sa ulat, dinala sa pagamutan ang pasyente noong April 20, 2021 dahil sa hirap sa paghinga pero idineklara nang patay pasado alas-8:00 ng gabi ng araw ding iyon.
Lumalabas na namatay ang pasyente dahil sa Acute Respiratory distress syndrome o severe Pneumonia.
Lumabas din sa RT-PCR test ng pasyente na positibo ito sa Covid-19 virus.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa pamilya ng pumanaw na pulis at tiniyak ang benepisyong matatanggap nito dahil sa pagseserbisyo sa bayan.
Sa pinakahuling datos ng PNP Health Service, pumalona sa 19,298 ang Covid-19 cases sa hanay ng PNP na may 2,133 aktibong kaso.
Gayunman, umakyat din sa 17,133 ang recoveries o mga gumaling sa karamdaman matapos makapagtala ng bagong 190 personnel na gumaling.