Police Corporal na naka-assign sa Metro Manila, ika-86 na pulis na namatay dahil sa Covid-19
Nakapagtala ang Philippine National Police ng ika-86 na namatay dahil sa Covid-19.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, isang 48-anyos na Police Corporal na nakatalaga sa Eastern part ng Metro Manila ang pumanaw na pulis.
Ayon sa ulat na isinumite ng PNP Health service, na-admit ang pasyente sa isang lokal n aospital noong July 23 dahil sa pagkakaroon ng mga sintomas ng Covid-19.
Agad itong isinailalim sa RT-PCR test at lumabas na positibo ito sa virus.
July 30 dinala na ang pasyente sa Intensive Care Unit dahil sa kritikal na nitong kondisyon.
August 1 nang nilagyan na ang pasyente ng mechanical ventilator hanggang sa pumanaw na ito noong August 2 dahil sa Lung failure secondary to Covid-19.
Nagpadala na ng tulong ang PNP sa naulilang pamilya ng pulis.
Samantala, ngayong araw, nakapagtala ang PNP ng karagdagang 138 na kaso ng Covid-19 kaya pumalo na sa 31,364 ang kabuuang kaso ng impeksyon na may 1,579 aktibong kaso.
Gayunman, nakapagtala rin ang kanilang hanay ng 56 bagong nakarekober kaya umakyat na sa 29,699 ang kabuuang gumaling sa karamdaman.
Sinabi ri ni Eleazar na nasa 61,253 na ang fully vaccinated sa kanilang hanay at nasa 56,808 ang nakatanggap ng first dose.