Political ambition ni Pangulong Duterte sa 2022 , hindi makakaapekto sa laban ng pamahalaan sa pandemya ng COVID-19 ayon sa Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na hindi maaapektuhan ang laban ng pamahalaan sa pandemya ng COVID 19 ng political ambition ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong Vice President sa halalan sa 2022.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque bagamat nagdesisyon na si Pangulong Duterte na sumabak sa halalan sa susunod na taon ay hindi nangangahulugan na mapapabayaan na ang governance o pagharap sa problema ng bansa.
Ayon kay Roque laging nakatutok ang Pangulo sa mga hakbang ng gobyerno laban sa COVID 19 lalo na sa vaccination rollout.
Inihayag ni Roque regular na pinupulong ng Pangulo ang Inter Agency Task Force o IATF at pagkatapos ay humaharap ang Chief Executive sa taongbayan sa pamamagitan ng weekly Talk to the People upang ipaalam sa publiko ang mga developments sa laban ng pamahalaan sa pandemya ng COVID 19.
Niliwanag ni Roque na prioridad ng Pangulo ang paglutas sa pandemya ng COVID 19 ang katunayan mahigpit ang kautusan niya kay National Task Force o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na siguraduhin na may sapat na supply ang bansa ng anti COVID 19 vaccine hanggang sa maabot ang population protection upang makabalik na sa normal ang buhay at pamumuhay ng bawat pilipino.
Vic Somintac