Poll lawyer hiniling sa COMELEC na suspendihin pansamantala ang regulasyon ukol sa pag-alis ng campaign posters
Nais ng election lawyer na si Romulo Macalintal na pansamantalang suspendihin ng COMELEC ang ilang probisyon sa regulasyon nito sa pagtanggal ng campaign posters.
Ito ay habang nirerebyu ng poll body ang mga panuntunan o hanggang sa pagsisimula ng campaign period ng mga lokal na opisyal sa March 25.
Sa liham ni Macalintal sa COMELEC, sinabi na ang temporary suspension ay makapagbibigay ng sapat na panahon sa poll body para rebyuhin ang mga patakaran at matiyak na pareho ang pamantayan at polisiya para sa campaign activities ng national at local candidates.
Hiniling din nito sa COMELEC na repasuhin ang mga regulasyon partikular ang probisyon na ginagamit na batayan para alisin ang oversized campaign materials sa private properties dahil sa paglabag sa Saligang Batas.
Ayon sa abogado, dapat amyendahan ang panuntunan para maging malinaw na ang mga campaign materials na nasa loob ng pribadong ari-arian ng non-candidates ay hindi maaaring tanggalin nang walang abiso o pagdinig.
Sinabi pa ni Macalintal na ang mga probisyon sa Fair Elections law ukol sa election propaganda materials ay hindi aplikable sa mga
pribadong tao o non candidates at tanging sa mga political parties at kandidato lamang.
Una nang iginiit ni Macalintal na walang kapangyarihan ang COMELEC na mag-alis ng posters sa mga private properties ng mga hindi kandidato kahit ang sukat nito ay higit sa itinatakda ng poll body.
Moira Encina