Poll lawyer: Pagpapatigil ng eleksyon, nasa eksklusibong kapangyarihan ng COMELEC
Tanging ang Commission on Elections (COMELEC) lamang ang may kapangyarihan na ipatigil ang halalan.
Ito ang sinabi ni election lawyer Romulo Macalintal kaugnay sa pahayag ni COMELEC spokesperson James Jimenez na hindi dapat gamitin ang granular lockdown bilang rason para ipahinto ang pagboto.
Ayon kay Macalintal, ang COMELEC lamang ang puwedeng mag-utos ng postponement, suspensyon o magdeklara ng failure of elections sakaling may umiiral na lockdowns sa araw ng botohan.
Iginiit ng abogado na walang ahensya ng pamahalaan maging ito man ang IATF o DOH ang maaaring magpatigil ng halalan nang walang otoridad mula sa poll body.
Sa ilalim aniya ng Omnibus Election Code at RA 7166, ang suspensyon o postponement ng halalan ay nasa eksklusibong kapangyarihan at hurisdiksyon ng COMELEC.
Dahil dito, sinabi ni Macalintal na kailangan munang humingi ng permiso o kautusan mula sa COMELEC ng mga otoridad sakaling may lockdown sa mga lugar na may polling precinct.
Ito ay para makapagisyu ang COMELEC En Banc nang kaukulang kautusan moto propio o kaya ay pagkatapos makapagsagawa ng pagdinig.
Kaugnay nito, inihayag ng election lawyer na dapat ay alerto ang DOH, IATF at iba pang ahensya sa mga lugar na maaaring kailangang i-lockdown para maiwasan ang lalong pagkalat ng virus at makakuha ng kaukulang aksyon mula sa poll body.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na guidelines ang IATF ukol sa pagsasagawa ng halalan sa susunod na taon.
Moira Encina