Poll watchdog, nangangamba sa epekto ng trolls sa social media sa 2022 elections
Nangangamba ang poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa posibleng maging epekto ng pagdami ng mga trolls sa social media sa magiging takbo ng halalan sa 2022.
Paliwanag ni dating PPCRV Secretary General Clifford Sorita, maaari kasing magdulot ng kalituhan ang mga misinformation.
Ang mga ganitong misinformation aniya ay maaaring makaapekto sa mga survey o pulso ng bayan.
Inihalimbawa nito ang mga online survey ngayon na maaaring maging kuwestyunable kung tunay ba ang resulta o nagamitan ng trolls.
Batay sa mga lumalabas na survey, nangunguna ang mag- ama na sina Davao City Mayor Sara Duterte at Pangulong Rodrigo Duterte sa Presidential at Vice’ Presidential race.
Si 1Sambayan Convenor Neri Colmenares naman, naniniwala na ang pangunguna ni Mayor Sara sa survey ay dahil noon pang 2020 ito maingay na tatakbo sa 2022 elections.
Naniniwala ang 1Sambayan na sa susunud na survey ay babagsak ang rating ng Duterte administration dahil sa palpak na COVID-19 response at kung magkakaroon na ng isang united opposition.
Una rito ay sinabi ng ilang political analyst na ang mataas na popularity ng mga Duterte ay bunsod ng divided opposition at resulta ng culture of fear sa administrasyon.
Ayon sa political analyst na si Mon Casiple, magiging malaking dagok sa administrasyon para sa 2022 elections ang naging paghawak nito sa pandemya.
Madelyn Moratillo