Pondo ng Comelec, naibalik na
Kinumpirma ng Commission on Elections na naibalik na ang pondo nila para sa Internet voting sa 2025 Midterm polls.
Kaya naman ayon kay Comelec Spokesperson Atty John Rex Laudiangco, ngayon ay nakakausad na sila sa proyekto.
Ngayong araw nagsagawa ng pre – bid conference ang Special Bids and Awards Committee para hikayatin ang mga technology service provider na sumali sa bidding para sa internet voting.
Gagamitin ito sa absentee voting ng Overseas Filipino Workers na karamihan ay hindi nakakaboto dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Noong May 2022 Presidential Elections, 38.61% ang voter turn out sa Overseas voting.
Sa ngayon, isa pa lang ang bumibili ng bidding document, ito ay ang SMS Global Technologies Inc.pero pwede pa naman aniyang humabol ang mga interesadong kumpanya hanggang sa Pebrero 8.
Ang aprubadong pondo para sa Online voting and Counting system ay 465.8 million pesos.
Noong Hulyo ng nakaraang taon nagkaroon ng demonstration ang iba’t ibang kumpanya para sa Online voting.
Pero ilan palang sa kanila ang nagpahayag ng intensyon ng sumali sa bidding.
Tiniyak naman ng Comelec na walang dapat ipangamba ang mga botante dahil sisiguruhin nila ang seguridad ng mga boto.
Madelyn Villar- Moratillo