Pondo ng NFA para sa 2019, hindi inaprubahan ng Senado
Hindi inaprubahan ng Senate sub-committee on Finance ang panuklang 7 bilyong pisong pondo ng National Food Authority (NFA) para sa susunod na taon.
Sa budget hearing, hiniling ni Senador Francis Pangilinan na ipagpaliban ang budget ng NFA dahil hindi masagot ng mga opisyal ng ahensya ang mga kaso ng anomalya sa ahensya.
Kabilang na rito ang pagbebenta ng buffer stock sa mga rice traders, sabwatan ng ilang NFA officials at umano’y pagpabor sa ilang rice importers.
Binigyan naman ng chairman ng komite na si Senador Cynthia Villar ang NFA ng hanggang November 30 na magsumite muna ng report kung ano ang nagawang aksyon at imbestigasyon sa mga kaso ng katiwalian.
Kung mabibigo aniya ang ahensya mapipilitan silang tuluyang ibasura ang budget ng NFA.
Ang 7 billion na pondo ng NFA ay nakalaan para ipambili ng bigas sa mga lokal na magsasaka para matugunan ang buffer stock at matugunan ang kakapusan ng suplay sa merkado.
Ulat ni Meanne Corvera