Pondo para sa 2022 elections apektado, matapos matapyasan ang proposed budget ng Comelec para sa susunod na taon
Aminado ang Commission on Elections na malaki ang magiging epekto ng pagtapyas sa kanilang panukalang pondo para sa 2022, sa pagsasagawa ng halalan sa susunod na taon.
Ang proposed budget ng Comelec para sa 2022 ay 41.9 bilyong piso pero binawasan ito ng Department of Budget and Management at ginawang 26.4 bilyon na lamang.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa ngayon ay pinag-aaralan ng poll body kung saan sa mga pinaglaanan ng pondo sila pwedeng magpatupad ng adjustment.
“The DBM’s deep cut into the COMELEC’s proposed budget will significantly impact how the COMELEC will conduct the 2022 National and Local Elections. The Commission is currently reviewing its budget to see where adjustments need to be made.” — Comelec Spokesperson James Jimenez.
Pero aminado si Jimenez na ang pondo para sa Electoral board ang pinaka-maaapektuhan.
Sa kabila naman nito, tiniyak ng Comelec sa publiko na patuloy nilang isusulong ang kanilang pondo para masiguro ang credible at mapayapang halalan sa 2022.
Bagamat natapyasan kasi ng DBM, maaari pa namang madagdagan ang pondo ng Comelec para sa susunod na taon sa oras na sumalang ito sa budget deliberations sa Kongreso.
Ang Comelec ay nahaharap sa isang malaking hamon sa 2022 National and Local Elections dahil sa banta ng Covid-19.
Madz Moratillo