Pondo para sa Build, Build, Build program ng Duterte administration, hindi muna gagalawin para gamitin laban sa Covid 19-Malakanyang
Hindi muna pakikialaman ng Malakanyang ang pondo para sa Build Build Build program hangga’t mayroon pang napaghuhugutan ng pondo ang pamahalaan para sa nagpapatuloy na pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kailangan pa rin ang mga infrastructure projects para sumigla ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng health crisis na kinahaharap sa kasalukuyan.
Sinabi ni Roque ang pagpapatuloy ng mga pagawaing bayan ang isa sa mga paraan upang maibalik ang buhay ng ekonomiya ng Pilipinas.
Gayunpaman niliwanag ni Roque depende pa rin aniya sa mga susunod na mangyayari kung gaano katagal makakalikha ng bakuna o gamot laban sa Covid 19.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging flexible ang bansa habang humaharap sa health crisis dulot ng Covid 19 at higit na mahalaga ang kapakanang pangkalusugan ng bawat mamamayan kaysa anumang proyektong pang-inprastraktura.
Ulat ni Vic Somintac