Pondo sa mga non -essential programs ng gobyerno , ipinalilipat sa Calamity funds
Ipinalilipat ni Senate Minority Leader aquilino Koko Pimentel sa Calamity funds ang mga panukalang pondo sa mga maituturing na non-essential programs ng gobyerno sa susunod na taon.
Ayon kay Pimentel, bagama’t mataas ng 55 percent ang proposed P 31 billion na 2023 Calamity funds kumpara sa kasalukuyang taon ay tiyak na kakapusin pa rin ito sa mga gastusin sa relief at rehabilitation programs dahil sa matinding hagupit ng malalakas na bagyo at lindol.
Paalala ng Senador nasa 20 ang bagyo na dumaraan sa Pilipinas kada taon kaya, nararapat na dagdagan ang pondo sa disaster and calamity response at recovery operations.
Ilan sa kaniyang pinababawasan ang confidential at intelligence funds sa ilalim ng proposed 2023 at ire-channel para sa disaster response capabilities.
Sa ilalim ng 2023 proposed budget, nasa P 9.29 billion ang nakalaan sa confidential at intelligence funds na kinabibilangan ng P4.5 billion sa Office of the President; P806 million sa Philippine National Police; P500 million sa Office of the Vice President; P500 million naman sa PDEA.
Ang mga pondong ito anya ay maaaring gamitin sa pagpapalakas ng weather forecasting capabilities ng PAGASA, pagtatayo ng mga bahay na winasak ng mga bagyo at lindol, at pagsasaayos ng mga kalsada at tulay.
Meanne Corvera