Pondong ibabalik ng Philhealth sa National Treasury hindi manggagaling sa kontribusyon ng mga miyembro nito
Nilinaw ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto, na hindi manggagaling sa kontribusyon ng mga miyembro, ang 90 bilyong pisong pondo na ibabalik ng Philippine Health Insurance (Philhealth) sa National Treasury.
Sa gitna ito ng pag-alma ng ilang grupo.
Ayon kay Recto, “Yun ang sinasabi ko na fake news. Hindi galing yan sa subsidiya ng gobyerno. 40-50% ng kita ng Philhealth galing sa national na pamahalaan, subsidiya ng gobyerno.”
Aniya, sayang naman kung natutulog lang ang pera sa halip na napapakinabangan sana ng taong bayan.
Sa pamamagitan nito, hindi na aniya kailangang umutang para matustusan ang iba pang programa ng pamahalaan gaya ng mga infrastructure project.
Hindi rin naman aniya malulugi ang Philhealth dito.
Sabi pa ni Recto, “May matitira pa ring 500 bilyon ang Philhealth. Tantiya namin magagastos nila ngayong taon ay 175 billion lang. Kung 250 gross revenue at gumastos ng 175, yan next year magiging 575 patuloy pa rin kikita.”
Sa pagdinig ng senado, iminungkahi ang pagpapababa sa premium ng Philhealth.
Bukas naman si Philhealth President Emmanuel Ledesma, Jr., rito at hand aumano silang magrekomenda sa pangulo na maibaba ang premium rates.
Ang pagtaas sa premium rates ng Philhealth ay salig sa nakasaad sa Universal Health Care Law.
Ayon kay Recto, puwede namang bawasan ang rate pero mabuti kung kongreso ang gagawa nito.
Aniya, “Laging mas safe ang gagawa. There’s a law in the UHC law, puwede bawasan rate pero di maliwanag kung paano, mabuti na kongreso gagawa.”
Pero kung siya ang tatanungin, puwede naman aniyang pagandahin pa ang mga benefit package na iniaalok ng Philhealth sa mga miyembro nito.
Sabi ng kalihim, “I would prefer to reduce the out of pocket expenses.”
Madelyn Villar-Moratillo