Pop royalty at jazzman na si Jon Batiste, nanguna sa Grammy nominations
Nangunguna sa nominasyon para sa mga datihan at baguhang artists sa Grammy awards ngayon taon, sina Justin Bieber, Billie Eilish at Olivia Rodrigo.
Subali’t ang mas nakalalamang na manalo ay si Jon Batiste, ang jazz at R&B artist, television personality at bandleader, na nagwagi na rin ng Oscar para sa kaniyang soundtrack sa pelikulang “Soul.” kung saan mayroon siyang 11 nominasyon at kasama rito ang top categories.
Paglalabanan naman ni Bieber, R&B favorite na si H.E.R. at singer-rapper na si Doja Cat, ang walong trophies sa January 31 gala na gaganapin sa Los Angeles.
Pitong nominasyon ang nakuha ng Grammy darling na si Eilish at maging ni Olivia Rodrigo, dating Disney channel actress na nagpasabog sa pop scene ngayong taon sa pamamagitan ng kaniyang single na “Drivers License.”
Gaya ni Eilish noong 2019, nagawa rin ni Rodrigo na ma-nominate sa apat na nangungunang kategorya, kabilang ang Best New Artist kung saan makakatunggali niya si Kid Laroi, Japanese Breakfast, Saweetie, Finneas na kapatid ni Eilish, at ilang hindi masyadong kilalang artists.
Minsan pang pinalawak ng 64th annual show ang bilang ng nominees sa prestihiyoso nilang general categories, na mula sa walo ay naging sampu na, kasunod ng mga tinanggap nitong kritisismo.
Makakalaban naman ng black artist at longtime musical director ng popular na “The Late Show With Stephen Colbert,” na si Batiste, si Bieber at Rodrigo sa major categories kabilang ang Album at Record of the Year.
Ipanlalaban ng black artist na isinilang sa pamilya ng prominenteng New Orleans musical dynasty, ang kaniyang “We Are” LP at single na “Freedom.”
Tatlong ulit nang na-nominate sa Grammys sa nakalipas na mga taon si Batiste ngunit hindi siya nananalo.
Nominado rin siya sa R&B, jazz, American roots at classical, kasama ang Best Music Video para sa kaniyang komposisyon sa hinangaang Pixar animated film na“Soul.”
Si Lady Gaga at ang 95-anyos na si Tony Bennett, ay may anim na nominasyon para sa kanilang album na “Love For Sale.”
Ang rap mogul namang si Jay-Z ang mayroong pinakamaraming nominasyon sa kasaysayan ng Grammys na mayroong 83, dati na silang nag-tie ng legendary producer na si Quincy Jones, na mayroong 80.
Sa 2020 Grammy Awards, ang misis ni Jay-Z na si Beyonce ang naging “most decorated” singer sa kasaysayan dahil sa 28 niyang awards.
Samantala, si Kanye West ay nagkaroon din ng ilang nominasyon para sa kaniyang album na “Donda,” at makakatungggali niya ang matagal na niyang kalaban na si Taylor Swift sa best album category, kung saan mayroon lamang itong isang pagkakataong magwagi ng Grammy gold para sa kaniyang album na “Evermore.”
Hindi kasi isinumite ni Swift ang kaniyang “Fearless (Taylor’s Version),” ang 2021 re-recorded album ng kaniyang 2008 release. Ang original record ay nanalo na ng apat na Grammys noong 2010.
Hindi napasama sa general field categories ang “Certified Lover Boy” ni Drake, ngunit nominado siya para sa dalawang awards sa rap categories kung saan nominado rin si West, kasama ni Nas, J. Cole at Tyler, the Creator.
Maglalaban si Cardi B at Megan Thee Stallion sa Best Rap Performance category, habang ang pop star na Lorde ay lubusang na-isnab sa kabila ng pagpapalabas ng kaniyang album na “Solar Power.” Ang kapwa niya pop superstar na si Ariana Grande ay maaaring magkaroon ng ilang pagkakataon na magwagi para sa kaniyang album na “Positions.”
Nakakuha rin ng isang nominasyon ang korean pop boy group na BTS sa pop categories para sa hit single nilang “Butter.”
Sa nakaraang taon, maraming mga babae at women-led acts ang nakapasok sa rock categories, ngunit ngayong taon ang apat na fields ay halos mga lalaki ang na-nominate, kabilang rito ang AC/DC, Foo Fighters at ang namayapa nang si Chris Cornell kasama rin si Paul McCartney na nominado para sa dalawamng awards sa kategoryang ito.
Posible namang mapanalunan ng Swedish pop sensation ABBA, na kamakailan lang ay muling nagbalik makaraang magkawatak-watak, 40 taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng kanilang album na “Voyage,” ang Record of the Year award para sa single na “I Still Have Faith In You.”
Sa Spoken Word Album category naman na kinabibilangan ng poetry, audio books, at story-telling, muling nangunna si Barack Obama sa tyansang manalo para sa “A Promised Land.” Ang kategoryang ito ay napanalunan na rin ng kaniyang asawang si Michelle sa 2020 Grammy Awards.
Ang dating pangulo ay mayroon nang dalawang Grammy awards. (AFP)