Populasyon ng Pilipinas, lumobo pa sa 105 milyon….Tatlo sa sampung kababaihan, nabubuntis ng wala sa plano-PopCom
Umaabot na sa isandaan at limang (105) milyon ang populasyon ng Pilipinas ayon sa Population Commission o PopCom.
Ayon kay PopCom Executive Director Dr. Juan Antonio Perez III, tatlo sa bawat sampung kababaihan ang nabubuntis ng hindi naka-plano o gumagamit pa rin ng tradisyunal na paraan ng family planning.
Ito aniya ang dahilan kung bakit mabilis tumaas ang population rate sa bansa.
“Karamihan ng mga kababaihan, palagay anmin ay hindi pa gumagamit ng tamang paraan ng family planning at ang iba naman at ginagamit ang tradisyunal na paraan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nakikita namin na tatlo sa sampung pagbubuntis ay hindi naka-plano. Sila yung gusto naming maabot”.
Lumabas din sa kanilang pag-aaral na aabot sa 200 libong mga kabataan sa bansa na mga menor de edad na may edad sampu hanggang disininuebe ang nanganganak kada taon.
Ayon kay Dr. Perez, nagiging mas aktibo na sa ngayon ang mga kabataang babae sa mga risky behavior at halimbawa aniya nito ay ang paggamit ng droga, paninigarilyo at pag-inom ng alak na nagiging simula sa pagkakaroon ng Pre-marital sex.
Nagiging malaking kontribusyon din aniya sa maagang pagbubuntis ang walang limitasyon sa paggamit ng social media at internet kung saan nakikitaan ng mga konteksto ng teenage pregnancy.
Dahil dito, mas pinaigting pa ng PopCom ang kanilang kampanya katuwang ang Department of Education o DepEd sa ilalim ng programang “Youth for Youth” na sinimulan nila noong 2014.
“Meron kaming mga kampanya para sa mga kabataan, sa Facebook, Twitter at tawag namin sa programang yun ay Youth for Youth. May mga programa nito lalu na sa mga Grades 9 to 10 na may interactive voice system. Last year, nakita namin na sa pamamagitan ng mga ipinopost namin sa Youtube at batay sa pag-aaral ng Philippine Statistics Association, bumaba na ang bilang ngmga kababaihang nabubuntis. Yung 10 perent naging 8.6 percent na lang last year”.
===============