Population protection sa Covid-19 sa NCR, malapit nang maabot pagkatapos ng 2 weeks ECQ – Malacañang
Naniniwala ang Malakanyang na malapit ng maabot ang population protection sa COVID-19 sa National Capital Region pagkatapos ng dalawang linggong pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine na magsisimula sa August 6 hanggang August 20.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na sa loob ng dalawang linggong ECQ ay babakunahan ang 4 na milyong naninirahan sa NCR.
Ayon kay Roque kung makapagbabakuna ng 4 na milyon sa NCR sa loob ng dalawang linggo, ay aabot na sa 45 percent na populasyon sa Metro Manila ang nabakunahan at 5 porsiyento na lamang ang kulang upang maabot ang 50 percent treshold para makamit ang population protection sa COVID 19.
Inihayag ni Roque na sasamantalahin ng gobyerno na pabilisin ang rollout ng anti COVID 19 vaccine sa NCR habang umiiral ang dalawang linggong ECQ.
Iginiit ni Roque na tanging ang pagbabakuna ang mabisang paraan upang makontrol ang paglaganap pa ng Delta variant ng COVID 19 sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Vic Somintac