Portrait na gawa ng British painter, nabili ng $27.7 million sa isang art auction sa New York
Nanguna sa unang gabi ng contemporary art auctions na kumita ng $234.6 million, isang portrait ng British painter na si Francis Bacon ang naibenta ng $27.7 million sa spring sales ng Sotheby’s sa New York.
Ngunit ang portrait ay hindi umabot sa $30 – $50 million range na sa tantya ng Sotheby’s ay magiging presyo para sa larawan, na una sa isang serye ng sampung George Dyer na ginawa ng pintor sa pagitan ng 1966 at 1968, at unang pagkakataon din na mapasama sa auction.
Ang pinakamataas na halagang ibinayad para sa isang single-panel portrait ni Bacon ay $70.2 million, na galing din sa kaparehong Dyer cycle.
Ang American painter na si Joan Mitchell, na ang mga gawa ay naging daan upang magkaroon ng muling pagsusuri sa paintings ng mga babaeng pintor, ay isa sa mga naging bituin ng gabi.
Ang kaniyang gawa na may titulong “Noon” ay lumampas sa $22.6 million, kaya’t napanatili ang ‘upward trend’ na nagsimula pa noong Nobyembre ng nakalipas na taon, nang maibenta ng mahigit sa $20 million sa unang pagkakataon ang dalawang ipininta ng “second generation” American abstract expressionism artist na si Mitchell.
Ang kaniyang record sale ay $29.1 million.
Nagtala rin ng iba pang records ang gabi, nang mabenta ng $19 million ang gawa ni Andy Warhol at Jean-Michel Basquiat, ang pinakamataas na halagang ibinayad para sa isang kolaborasyon, at halos $23 million naman naipagbili ang isang gawa ni Lucio Fontana, ang pinakamataas na halaga para sa isang Italian artist sa nabanggit na auction.
Isa namang sculpture na gawa ni Frank Stella ang naipagbili ng mahigit sa $15 million.
Samantala, ang gawa ng African-American artist na si Faith Ringgold ay nabenta ng mahigit sa $1.5 million, tatlong ulit na higit kaysa sa huli niyang record.
Sa Miyerkoles ay muling magkakaroon ng isa pang gabi ng modern art sales ang French-Israeli Patrick Drahi’s auction house, na katatampukan ng mga gawa nina Claude Monet, Pablo Picasso, Alexander Calder, Rene Magritte at ng British artist na si Leonora Carrington.
Sa bentang $14.9 billion noong nakaraang taon, ang art market ay bumagsak ng 14 percent kumpara noong 2022, bagama’t ang online transactions ay tumaas naman ng 285 percent.
Umaasa ang Sotheby’s na makakokolekta ng nasa pagitan ng $549 at $784 million sa linggong ito sa New York, kasunod ng magandang mga resulta sa Europe, sa isang merkadong pinangunahan ng American investors at collectors, na malapit namang sinusundan ng buyers mula sa Asya.